Search

Articles

HPAAC Statement on Imposition of ECQ in Metro Manila and Nearby Areas

Sunday, March 28, 2021

HPAAC calls for One COVID Referral network, improved contact tracing, adoption of #APATDapat, effective vaccine deployment, available public transportation, and social assistance to the needy.

Statement read by Dr. Pauline Convocar, President of Philippine College of Emergency Medicine, during the HPAAC Press Conference last March 27, 2020, 9pm.

Ang mga tulad kong health worker na nasa Emergency Department ang unang nakakaramdam at nakakakita ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 bago pa man mapuno ang mga kama sa loob ng mga ospital.

Kagabi, umabot na sa kritikal na kondisyon ang ating mga health facilities. Bilang isang frontline health worker, saksi po ako sa dami ng mga pasyente na hirap na hirap makakuha ng kwarto sa mga ospital. Ito ang pinaka-kinatatakutan naming mga health workers: ang tuluyang mapuno ang mga ospital at mapilitan kaming tumanggi sa pagtanggap ng mga pasyente.

Kaya naman, kami sa HPAAC ay sumasang-ayon sa desisyon ng pamahalaan na ibalik sa ECQ ang buong Metro Manila kasama na ang Bulacan, Laguna, Rizal, at Cavite. 

Ang lockdown ay isang mahalaga ngunit isang pansamantalang hakbang upang mapigil ang pag-ikot ng mga tao at mapigil ang pagkalat ng virus. Kailangan ito upang maiwasang mapuno ang mga ospital. Pero importante na maintindihan na kailangan na kasabay nito ay mga sustainable solutions.

Isang taon na ang nakalipas mula noong nakaraang ECQ. Pitong buwan na rin mahigit ang nakakaraan simula noong nanawagan ang HPAAC para sa isang “timeout” dahil napupuno na ang mga ospital at dumadami ang mga pasyente na hindi makatanggap ng medical attention. Panawagan namin noon na gamitin ang “timeout” upang makapagpatupad ng mga malawakang pagbabago sa sistema na sisiguraduhing protektado ang mga Pilipino mula sa virus. 

Bagama’t may mga ilang reporma na nagawa na, napakarami pa ring pagbabago na kailangang isagawa upang siguraduhin na hindi na mauulit ang ganitong pagtaas ng mga kaso sa oras na buksan muli natin ang ating ekonomiya. Kung hindi po natin ito magagawa, babalik at babalik lang tayo sa ganitong sitwasyon. Paulit-ulit lang.

Nananawagan po kami sa gobyerno na agarang ipatupad ang mga sumusunod:

1. Una, ang pagpapalawak ng One Hospital Command Center (OHCC) upang maging One COVID Referral Network. 

Napakalaki ng papel ng isang buong referral system sa COVID Response. Isang referral system na konektado, mula sa isang pinalakas na primary health care system all the way to a COVID Referral Hospital. Sa ngayon, dagsa na po ang mga pasyente sa mga ospital - mga pasyenteng may COVID at walang COVID na nangangailangang ma-admit.  Dahil dito, kailangan na pong palawakin ang sakop ng OHCC upang magkaroon ng maayos na pag-responde sa pangangailangan ng mga pasyenteng ito. Ang COVID referral network na iminumungkahi namin ang siyang tutukoy kung sino ang mga pasyente na pwedeng manatili sa bahay sabay ng pag-monitor ng mga BHERTS, BHWs at private providers at sino naman ang kailangang kailangan nang maipasok sa mga ospital at health facilities.

Sa ngayon, napakalaking hamon nito.  Nakarating po sa amin ang mga kwento ng mga pasyente at mga pamilya nila tungkol sa kanilang mga personal karanasan na hindi sila nabigyan ng tamang advice kung saan sila dapat sumangguni sakaling magkaroon ng sintomas o di kaya ay ma-expose sa mga kumpirmadong kaso. Marami rin ang mga nangangailangan na ma-admit sa mga ospital ang naghihintay ng ilang araw bago makahanap ng pupuwedeng tumingin at mag-alaga sa kanila. Nagdurugo ang aming puso sa tuwing meron kaming pasyente na namamatay na lang sa pasilyo ng ED dahil wala nang bakanteng kama sa ward at sa ICU. Kahit na iyong mga may kaibigan at kakilala ng mga kasama naming doktor, hindi namin kaagad matulungan, paano pa kaya ang mga ordinaryong mga mamamayan na walang kakilala?

Kahit na iisa lamang pasyente ang hindii natin maasikaso at mabigyan ng tamang suporta, sintomas na ito na may mali sa sistema. At sana ay maitama ito sa lalong madaling panahon. 

2. Pangalawa, importante na maikonekta natin ang lahat ng datos patungkol sa COVID-19 mula sa testing, contact tracing, isolation, quarantine at treatment upang magkaroon tayo ng isang INTEGRATED RESPONSE. 

Sa ngayon, hindi po ito magkakarugtong at napakalaki po talaga ng problema natin sa contact tracing.  Maraming contact tracing applications na po ang kasalukuyang ginagamit, hindi lamang ng mga LGU kundi pati mga pribadong establisimento.  Ngunit, hindi po sila konektado sa isa’t-isa.  Sa totoong buhay,ang isang tao sa Manila ay pwedeng pumunta sa Mandaluyong at Pasig sa isang araw para sa trabaho o kung ano mang kadahilanan. Pero dahil walang central body kung saan nakapaloob ang mga datos na kinakalap ng iba’t ibang contact tracing apps, hindi natin natutukoy nang maayos kung ano po ang galaw ng virus dito sa ating lugar. 

Hindi rin natin matutukoy nang maayos kung sino ang mga nangangailangan ng testing, sino ang kailangang i-quarantine, at sino naman ang kailangan nang irefer sa mga ospital.

Kung kaya, kami ay nananawagan muli kay Pangulong Duterte na magpalabas ng Executive Order na mag-uutos sa pagsusumite ng mga datos na kinakalap ng mga LGUs at pribadong sektor sa isang central data warehouse repository. Para po sa ganoon ay mabilisan itong maproseso para ito ay maging actionable information na magagamit natin sa agarang pagresponde.

Sa pamamagitan po ng agarang pag proseso ng mga datos na ito mapapabilis ang ating aksyon sa tinatawag na T3 strategy o Trace, Test, Treat Strategy. If our decisions are data-driven, the better our response will be.

Nananawagan din po kami sa mga LGU at private establishments na pumayag na mag share ng data. Hindi tayo pwede kumilos na parang wala tayong ibang mga katabing LGU at business establishments. No man is an island and we are only as strong as our weakest link.

3. Ikatlo, iminumungkahi namin na gamitin ang APAT Dapat upang tukuyin ang mga polisiya sa iba’t ibang sektor tulad ng transportasyon at mga workplaces. Lahat tayo ay dapat umunawa dito - ang pamahalaan, ang private sector, at ang publiko.

Ang APAT Dapat (A – air circulation o maayos na pagdaloy ng hangin; P – physical distancing; A – always use face masks and shields properly; T – time of interaction) ay dapat gamiting basehan ng mga polisiya ng ating gobyerno. Itong mga ito ay pinatunayan ng mga pag-aaral na makakatulong sa pag-protekta ng mga mamamayan mula sa virus. Mainam na gamitin ang mga ito para alamin kung ano pa ang mga improvements na pwedeng gawin  sa iba’t ibang sektor tulad ng transportasyon, workplaces, mga pampublikong lugar, paaralan at iba pa. Kailangang mabago natin ang ating environment base sa principles ng APAT DAPAT para pwede tayong unti-unting magbukas ng ekonomiya dahil kung hindi natin babaguhin ang mga dating facilities at nakagawian, mag lolockdown lang ulit tayo. Paulit-ulit lang. 

Pinapaalala rin namin sa publiko na kahit na pagod na kayo, wag kalimutan ang APAT DAPAT  upang pangalagaan ang ating sarili at pamilya. Habang hindi pa nababago ang mga facilities, ang pag-alala sa APAT DAPAT ay major protection natin laban sa virus.

4. Ikaapat, mahalagang masiguro na patas at epektibo ang pamimigay ng bakuna laban sa COVID-19. 

Labis ang aming pagkundena lalo na sa mga opisyal ng gobyerno na hindi nirerespeto ang national prioritization plan patungkol sa COVID-19. Dapat mauna ang mga HCWs, pagkatapos ay mga senior citizens, at pagkatapos ay yung mga ibang may sakit. Kung hindi masusunod ito, hindi natin magagamit ang limitadong supply ng bakuna upang makamit ang herd immunity at maprotektahan ang kalakhan ng ating mga kababayan. Aming pinakikiusapan ang gobyerno na panagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa panungkulan na ito para magsilbing halimbawa na may parusa ang sisingit sa pila .

Kailangan rin linawin ng gobyerno ang tamang proseso sa pagkuha ng bakuna. Napakarami nang nagkalat na palista o reservation systems sa iba’t ibang mga sektor. Kailangan malaman ng publiko ang tamang paraan ng pagkuha ng bakuna na hindi naiiwan ang mga vulnerable na sectors tulad ng mga senior citizens, mga health workers, at mga low-income families. 

5. Ikalima, amin pong panawagan na siguraduhin ang sapat na supply ng mga pampublikong sasakyan at mabilisang pagpapatayo ng mga bike lanes para sa ating mga healthcare at essential workers.

Naging malaking problema ang transportasyon noong huli tayong sumailalim sa ECQ dahil limitado ang mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe para sa ating mga healthcare at essential workers na kailangan paring pumasok kahit tayo ay nasa ilalim ng isang lockdown. Nakita natin na hindi sapat ang mga libreng pasakay ng gobyerno at ang iba ay siksikan pa. Kaya naman dapat na siguraduhing may tamang supply ng mga jeep, tricycle, at iba pang mga pampublikong sasakyan na pwedeng bumiyahe upang hindi mapilitang magsiksikan o maglakad ang ating mga frontline workers papunta sa kanilang trabaho. Importante rin na siguruhin na ang mga pampublikong sasakyan ay susunod sa APAT Dapat. 

Sana rin ay mabilis na maipatupad ang service contracting program kung saan gobyerno ang nag-aarkila at kumokontrata sa mga jeep para siguruhin na may masasakyan ang mga pasahero at hindi na kailangang punuin ng mga driver ang mga sasakyan para lamang kumita.

Nananawagan din kami na maisama ang LGUs at organized transport groups sa pag-implement ng service contracting efforts para mas lumawak ang coverage at dumami ang supply ng PUVs para sa ating mga essential workers.

Marapat din lamang na mapabilis ang pagpapatayo ng ating National Bike Lanes. Ito ay isang ligtas at mabisang alternatibong transportasyon para sa mga frontliners. Mahalaga rin na mabilisan itong magawa lalo na sa mga daan na nag-uugnay sa mga ospital at iba pang mga healthcare facilities. 

6. At Ikaanim, aming pakiusap sa gobyerno na siguraduhin na makakatanggap ng tamang ayuda ang mga maaapektuhan ang kabuhayan dahil sa pagbalik sa ECQ.

Panigurong napakarami na naman ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa restrictions na na-aprubahan ng IATF. Aming pakiusap sa mga economic managers na siguruhing may tamang subsidy na matatanggap ang mga vulnerable populations na ito upang walang makakaranas ng gutom sa panahon na ito. Ngayon, higit kailanman, ay kailangan nila ang gobyerno para makaraos sa pandemiya na ito na malusog at malayo sa sakit.

Araw-araw ay nakikita namin kung paano nagdurusa ang mga may sakit. Kitang-kita namin ang kanilang paghihirap lalo na sa epekto ng pandemiya hindi lamang sa kanilang kalusugan kundi pati na rin sa kanilang kabuhayan. 

Kaya naman aming inuudyok ang mga lider sa gobyerno na irespeto ang importansiya ng health objectives sa paglaban sa pandemiya.

Ito ang reyalidad: Makakapagbukas lamang tayo ng ating ekonomiya kung mayroon na tayong mga sistemang ipinapatupad upang kontrolin ang pagkalat ng COVID. We are in a health crisis, first and foremost. When we are able to solve this health crisis, everything will follow.

Isang taon na tayo nag-uusap. I-rethink na po natin ang ating strategy. Wag na sanang dumating ang sitwasyon na mamimili na ang mga health workers kung sino ang kayang maisalba at sino ang mamamatay dahil napakasakit po noon para sa amin. 

Wag na po tayong mag-aksaya ng oras. Sana ay gamitin ng pamahalaan ang pangalawang timeout na ito para kaagad na maipatupad ang mga systemic changes na kailangan para maprotektahan ang ating mga kabababayan.

Hindi na tayo dapat bumalik sa dati. Dapat mas maganda at ligtas ang asamin natin. Kung hindi, babalik lang tayo kung saan tayo nagsimula.